Muli kong binalikan ang aking resume. Halos limang buwan ko na din palang hindi na-a-update ang laman ng dokumentong ito. Kung dati ay halos buwan-buwan kong binabago ang mga datos na nakatala dito, ngayon ay parang nawalan ako ng gana na i-update ang mga nilalaman nito. Sa bagay, alam ko naman na hindi ko rin magagawang mag trabaho ng full-time. Kasi nga may klase ako sa Masters. Malaking investment din iyon kaya dapat seryosohin at pagtuunan ng buong-pansin.
Binuklat ko iyong sa may bandang huli ng resume ko; iyong sa may parte na work experiences. Parang tatlong matitinong trabaho lang pala ang pinasukan ko mula nang magtapos ako ng kolehiyo. Sa bagay, okay lang yan. Sigurado akong madadagdagan na sila sa lalong madaling panahon.
Pero sa totoo lang hindi ko nililista sa resume ko lahat ng nasubukan kong trabaho. Kasi para sa akin, irrelevant sila. Bagaman may bahagi sila sa paghulma kung sino si sleep_talker ngayon, hindi ako proud na isulat sila sa resume ko. Para sa akin bahagi na lang sila ng isang distant memory, na hindi ko na rin nais balikan. Anu-ano ba kasing trabahong pinasukan ko? Hayaan ninyo akong isa-isahin sila.
Tindero – Oo, naranasan kong magtinda, hindi si palengke, kundi sa classroom. Gagawan ako ng nanay ko ng yema, pastilyas, o pulburon, o kaya ay bibilhan ako ng isang garapon ng stick-o at iyon ang ipapabenta sa akin sa school. Iyan ang unang training na natanggap ko sa nanay ko. At alam ninyo, diyan ko natutuhan ang kahalagahan ng pera. Dahil nahirapan din akong mangumbinsi ng kaklase ko na bumili ng mga paninda ko, <kinailangan kong gumamit ng iba't-ibang paraan – nangbully ako, nagprisintang magturo sa mga hindi nakakaintindi ng leksyon, nagpretend na umiiyak para maawa ang mga kaklase ko at bumili ng aking paninda at maraming iba pang tactics hehehe> natutuhan ko na mahirap kumita ng pera. Kaya naman bata palang ako, masinop na ko sa pera. Hindi natatapos ang school year na wala akong naipong perang ipambibili ng gamit para sa susunod na taon.
Ngayong iniisip ko iyong pagiging entrepreneur ko, sumagi sa aking isipan iyong kalagayan ng pamilya namin nung nasa primary school ako. Masasabi kong hindi kami naghirap; sa katunayan nga halos every two weeks kami sa SM Megamall noong mga bata kami para mag-grocery. Pero dahil na rin siguro sa pagiging panganay na lalaki ko kaya minabuti ng nanay ko na turuan ako ng isang trade na kahit saan ko dalhin eh siguradong kikita ako.
Waterboy – Nasubukan ko ding magtrabaho sa isang water station. Katatapos ko lang mag-first year high school at sa unang pagkakataon ay wala akong naiuwing award. Ang katuwiran ko sa nanay ko: “Kinailangan kong mag-adjust mula elementray life to high school life.” At para naman daw hindi ako idle, minabuti ng tatay ko na ipasok ako sa isang water station.
Madali lang ang trabaho sa water station. Maglilinis ka lang ng mga bote, magpupuno ng mga jugs, magkukuwenta ng kinita sa buong araw at maglilinis ng surroundings ng water station. Okay lang sa akin ang maglinis at magpuno ng mga water jugs; ang hindi ko kinaya noon ay magbuhat ng mga lalagyan na punung-puno ng tubig. Kasi nga patpatin ako noong first year high school. Tapos pagbubuhatin ako ng galon-galong tubig! Pero kahit papaano ay kinaya ko naman ang ganoong trabaho. Pinatigil din ako sa trabahong ito nang magsimula na ulit ang school year.
Computer shop attendant – Nasa third year high school naman ako ng ininvite akong magbantay ng isang computer shop tuwing weekends. Mababa lang ang sweldo sa trabahong ito <25 pesos per hour> pero okay na din kasi libre ang pag-iinternet ko sa buong araw. Dahil sa trabahong ito, natutunan kong magchat, magsearch ng information gamit ang Yahoo/Google search engine, magdownload ng kanta, maglaro ng online games <hanggang Yahoo games lang ako>, mag-encode , gumamit ng Microsoft Office applications at maraming iba pa.
Napakadali ng trabahong ito. Unang-una, lilinisin ko muna iyong computer shop at iaayos ang mga nakasalansang upuan. Pagkatapos, ibo-boot ko na iyong computers at ibubukas ko na iyong computer shop. Tapos kapag may dumating na customer, sasabihan ko lang siya kung aling computer station ang gagamitin niya. Tapos ililista ko ang oras kung kailan siya dumating. Pagkatapos niyang mag-internet, ililista ko ulit kung anong oras siya natapos. Pagkatapos noon, sisingilin ko siya sa nakunsumo niyang oras, magbabayad siya at hayun! Tapos ang transaksyon!
Halos tatlong taon din akong tumagal sa ganoong klaseng trabaho. Pero noong nasa ikalawang taon ako sa kolehiyo, biglang nagsara ang computer shop. Nalugi daw iyong may-ari kasi iyong nagbabantay kapag weekdays nagpapa-free internet use sa mga kaibigan niya. Kaya bumagsak tuloy ang negosyo ng aking bossing. Kaya wala akong choice kundi magpaalam computer shop, at bumati ng hello...sa Greenwich!
Pizza-maker – Dahil walang scholarship grant kapag summer, kinailangan kong magtrabaho sa isang food chain para may pang-enroll ako ng NSTP 1 na offered lang noon tuwing summer. Nag-apply ako sa isang maliit na Greenwich store at natanggap naman ako bilang pizza-maker. Ni-require ako ng manager na kabisaduhin lahat ng ingredients ng iba't ibang klase ng pizza. Kinailangan ko ding kabisaduhin kung ilang piraso ng ham, green bell pepper, mushrooms, sliced cheese, pineapple at iba pang ingredients ang ilalagay sa isang square pizza, sa isang solo pizza, sa isang primo supreme pizza, at sa iba pang sizes ng pizza. Challenging ang trabahong ito kasi sa halos buong walong oras nakatayo lang ako at naggagadgad ng keso, nag-i-spread ng spaghetti sauce <tama hindi pizza sauce ang tawag sa tomato sauce na nilalagay sa pizza> nag-a-arrange ng ingredients at naglilipat ng pizza sa oven.
Masaya naman iyong trabaho kaso nakakapagod. Tapos minsan pa iyong mga karelyebo ko hindi pumapasok kasi may hang-over o kaya may presentation sa school o kaya may sakit. Minsan nakapagtrabaho ako mula opening hanggang closing ng shop. At dahil pagud-na-pagod na ko, hindi na ko nagpaalam doon sa manager, basta na lang akong umuwi. May tatlong buwan din akong nagtrabaho doon. Pero nang narealize ko na hindi ko kayang pagsabayin ang pagtratrabaho at ang pagkuha ng at least 89 na average <oo mayabang ako, iyan ang goal ko kahit nasa basic engineering pa lang ako> nagresign ako sa Greenwich Pizza Corporation.
...Itutuloy