Monday, July 11, 2011

...Superpower...

Pinanood ko sa ikasampung pagkakataon iyong Platinum Hit Season 1 Episode 3. Iyong ang theme ng isusulat nilang rap nila eh superpower. Syempre pinakapaborito ko ulet iyong song ni Jackie Tohn. Comedic rap pero masyado na naman siyang nacriticize nila Kara DioGuardi at ni Jewel. Kaya ayun muntik na naman syang na-kick out mula sa paligsahan. Buti na lang hindi pa kasi iyong mga compositions at hooks niya at ni Jes Hudak ang swak sa pandinig ko.

Bigla ko tuloy naisip na magsulat tungkol sa superpower - hindi yung abilidad na gusto kong makamit kasi imposible naman yata yun. So, talakayin lang natin iyong mga kakayahan ko na sa tingin ko eh pwedeng i-categorize bilang superpower.

1. Super-Absorbent Gray Matter - Isa sa pinaka-unique kong abilidad ay mag-absorb ng information at maretain yun sa utak ko. Sa totoo lang, parang sponge ang utak ko na kayang mag-absorb nang mag-absorb ng walang kakwenta-kwentang detalye. Pero useful naman itong kakayahang ito. Kasi naging puhunan ko din ito para makalaban at manalo paminsan-minsan sa mga quiz bees at oratorical competitions. Kaya ko noong sumaulo ng two to three pages na speech sa loob lang ng dalawang araw. At dahil doon eh naging official orator ako ng batch namin noong high school.

Kakabit na din ng abilidad na ito ang reading comprehension at information retention. Kasi naman halos lahat ng nababasa ko noon eh naiistuck sa utak ko at hindi ko na matanggal. Biruin ninyo, alam ko pa din ang report na ginawa ko noong nasa Grade 2 ako para sa Civics and Culture class namin. Pinareport sa akin noon ang tungkol sa Kampo Amai Pakpak na makikita sa halos kalagitnaan ng kulay dilaw na aklat ng kasaysayan na ginagamit sa ikalawang baitang. O diba asteg?

May downside din naman ang kakayahang ito. Kasi karamihan nang naaalala ko eh puro walang kakwenta-kwentang mga bagay. Gaya noong pangalan ng lahat ng naging teacher ko from elementary hanggang college. Pati yung pangalan ng sections ko mula unang baitang hanggang ikaapat na antas sa high school. Pati yung kaliit-liitang detalye ng mga activities ko sa school. So, in short, walang halaga ang mga impormasyong ito. Pwera na nga lang kung nagkaumpukan kami ng mga dati kong kaeskwela at sinisikap naming balikan yung magagandang alaala ng nakalipas. Yun lang.

2. Sonic Nose at Ears. Nabanggit ko na yata sa isang dating post ang hinggil sa aking keen sense of smell. Isa sa pinakasensitibong bahagi ng katawan ko ang ilong ko at dahil dito ay kaya kong i-identify ang source ng amoy, at ilarawan kung ano yung eksaktong amoy na naamoy ko. At dahil na rin sa scientific fact na, 90% of what you smell, you also taste, masasabi ko ring medyo hyper ang aking mga taste buds.

May kinalaman naman sa aking tainga, kaya kong idetermine kung nasa tono ung singer o hindi. Very keen ang mga tainga ko sa nota at musika. Pero hindi ko alam kung bakit hindi ko minsan malaman kung tama ang tono ko kapag ako naman ang kumakanta. Siguro tama talaga yung kasabihan na madali nating makita, o sa kalagayan ko eh marinig, ang pagkakamali ng iba kesa sa mga pagkakamali natin mismo.

3. Hypersensitivity to temperature. Napakabilis kong magreact sa pagbabago ng klima at temperatura. Madali kong malamang mainit kapag nagsimula nang magpawis ang ilong ko. Kapag sobra na ang init, tiyak madre-drench ang muka ko ng pawis na para bang bumuhos ang napakalakas na ulan at nahulog ang bawat patak nito sa mukha ko.

Kung tungkol naman sa lamig, biglang lalabas ang mumunti subalit napaka-kating butlig sa aking mga bisig, hudyat na sobrang lamig na ng temperatura at kailangan ko nang magsuot ng pangginaw.

At dahil sa pagiging sobrang sensitibo sa temperatura, kinailangan kong magdesisiyon na pumirmi sa isang malamig na lugar, gaya ng Baguio sa halip na magdusa sa init n g Maynila, kung saan ako dati namamasukan bilang isang software engineer.

Ilan lamang ito sa mga kakayahang mayroon ako. Eh ikaw naman? Anong abilidad mo ang maituturing mo ding superpower? Kung meron man, ibahagi mo din ang iyong kwento at magbigay ng komento ibabang bahagi ng post na ito.

No comments:

Post a Comment