Isa lang naman ang pangarap ko sa buhay. Iyon ay ang mag-aral...nang mag-aral...nang mag-aral.
Kung papipiliin ako kung habambuhay akong mag-aaral o magtratrabaho, siyempre ang pipiliin ko ay ang mag-aral. Kahit araw-araw akong bigyan ng exam, seatwork, assignment at project, eh okay lang. Dahil sa totoo lang, sa maniwala man kayo o sa hindi, magaling akong estudyante.
Hindi naman sa pagmamayabang eh natapos ko ang kindergarten, elementary, high school at college na may magagandang grado. Laging nagmamalaki ang mga report cards at transcript of records ko. At hindi natatapos ang taon o semestre na wala akong certificate of recognition o medal. Kasi nga sobrang natutuwa akong mag-aral.
Naging pangalawang bahay ko na ang eskuwelahan. Doon kasi tuluyang nahasa ang aking angking talino at kakayahan. Doon ko nadiskubre na kaya kong gawin ang napakaraming bagay – sumayaw ng folk dances, kumanta ng jingle para sa nutrition month, magsulat ng tula at sanaysay, magtalumpati, sumali sa quiz bees, maki-debate tournament, maging leader ng buong klase, magbenta ng yema, pastilyas at stick-o at syempre maging teacher's pet.
Halos taun-taon eh may isa o dalawang titser na ang paborito ay ako. Ewan ko ba. Hindi ko naman sila sinusuhulan o kaya ino-overpraise. Siguro dahil dakila akong uto-uto. Ako kasi yung madals na utusan na lumibot sa buong paaralan para mangulekta ng kontribusyon para sa namatayang schoolmate o faculty member, maglibot ng sulat tungkol sa meeting ng mga guro at principal, maglinis ng garden ng eskuwelahan at kung anu-ano pa.
O dahil na rin siguro sa pagiging hyper-active ko. Lahat ng contest gusto kong salihan. Ultimo table decoration, pot gardening, ballroom dancing, pati na ang paggawa ng budget proposals para sa isang poultry industry, nasalihan ko. Bakit? Wala lang. Gusto ko lang patunayan sa sarili ko na marami akong kayang gawin. At masasabi ko naman na kahit papano eh nananalo naman ako sa ilang paligasahan. Karamihan ng biyahe ko nung elementary, high school at college ay dahil sa mga contests. At kung hindi ako nagpaka-hyperactive malamang hindi pa ako nakasakay ng eroplano, nakarating ng Banaue Rice Terraces, nakapagpa-picture sa Mayon Volcano, nakagala sa Expo Filipino at kung saan-saan pa.
Pero may isang punto din ng buhay ko na parang ayaw ko nang manatili sa paaralan. First semester noon ng huling taon ko sa college. Biglang napili kami na gumawa ng isang layout project para sa isang kompanya sa Baguio. At dahil sa sobrang igsi ng binigay na panahon para tapusin ang layout proposal, kahit linggo ng gabi eh pumupunta pa kami sa bahay ng instructor namin at nagpapakapuyat matapos lamang ang proposal. Natatandaan ko noon naglalakad ako papuntang sakayan ng dyip na tumutulo ang luha at sipon ko dahil sa puyat, pagod at stress. Ni hindi na nga ako makausap ng mga kaklase ko noon nang matino. Kahit iyong instructor namin, nasungitan ko na din sa sobrang inis at pagod ko sa pinag-gagawa namin. Pero syempre nang matapos namin ung layout proposal at ginamit mismo ng kompanya sa planta nila, laking tuwa na rin namin. Iyon nga lang ang pangako nilang kukunin kami na magtrabaho sa kanila pagkatapos naming magtapos eh hindi natupad. Bwisit na recession yan!
Nang dumating ang huling semestre ko sa kolehiyo, naramdaman kong parang magpapaalam na ko sa pangalawa kong bahay. Pero dahil sa pagiging excited kong maranasan ang buhay sa labas ng paaralan, unti-unti ko ding natanggap na panahon na para lisanin ang institusyon na kumupkop sa akin nang humigit-kumulang 15 taon. Kaya naman nagpaalam ako sa paralan at bumati ng HELLO sa “corporate world.”
Pero hindi rin ako nagtagal sa “corporate world”. Pagkalipas lamang ng isang taon at limang buwan ng pagtratrabaho sa dalawang kompanya, nanumbalik ako sa aking ikalawang tahanan. Yamang nakatapos na ako ng isang kurso, minabuti kong kumuha ng mas mataas pang edukasyon. Noong una, may ibang motibo ako sa pagkuha ng aking masters – gusto ko kasing magturo sa department namin noong college. Pero habang tumatagal, mas lalo kong naiisip na dapat nasa paaralan lang ako - nag-aaral at gumagawa ng research works. At nang bandang huli natanggap ko ang isang katotohanan – pinakamasaya ako kapag nasa paaralan.
Kaya naman nagbago nang tuluyan ang pangarap ko sa buhay. Gusto ko na lang mag-aral...nang mag-aral...nang mag-aral. Gusto kong tuloy-tuloy na mag-aral habang nagtratrabaho at ginagampanan ang aking religious at social responsibilities <naks!> Dahil sa totoo lang, sa eskuwelahan ko lang naramdaman ang walang kapantay na saya.
No comments:
Post a Comment