Kung mayroon man akong isang namanang ugali sa tatay ko iyon ay ang pagiging “saluyot”. Hindi ko alam kung may kasabihan nga ba talagang “madulas pa sa saluyot” na kapit daw sa mga taong mabilis kumbinsihin basta sa paggagala o pagliliwaliw.
Lagi kasing ginagamit ng nanay ko iyong terminong saluyot para ilarawan ang tatay ko. Kasi daw ang tatay ko isang sabihan lang, basta may pera at alam kung saan ang pupuntahan, eh sasama-at-sasama. Kaya naman kung saan-saan na siya nakarating – sa Mindanao, Bicol, Quezon, Tuguegarao, Ilocos, Isabela at kung saan-saan pa.
Masasabi ko namang 70% lang ang “ka-saluyutan” ko kung ang pagbabasehan lang din eh ang tatay ko. Kasi hindi ako basta-basta mapapapayag na sumama. Medyo marami akong kondisyon bago mapapayag na gumala at magliwaliw kung saan-saan.
Unang-una ay ang pera. Hinding-hindi ako pwedeng umalis ng bahay na wala man lamang doble ng pamasaheng required para pumunta kung saanman. Kasi sa totoo lang takot akong mawala at maiwan. Kaya hangga't maari dapat mayroon akong sapat na pera para makauwi at komportableng makabyahe nang kahit mag-isa, makabili ng pasalubong, makakain nang matino, at makatulog sa isang komportableng lugar. Kung wala akong ganoon kalaking pera, eh sasabihan ko iyong nagyaya na: “Next time na lang.”
Ikalawa, syempre ung kasama. Kasi sa totoo lang mayroon akong Darcy Syndrome (Salamat James Austen!) Hindi ko kayang makipagkwentuhan sa isang kumpletong estranghero. Mas gugustuhin ko na lang na gumala mag-isa kesa may makasama na hindi ko naman kapalagayang-loob.
Mas matindi pa nga ung Darcy Syndrome ko kaysa kay Mr. Darcy. Kasi mabilis kong malaman iyong tipo ng tao na kaya kong sakyan ang ugali at iyong mga tao na sa unang tingin pa lang eh asar-na-asar na ako. Kaya naman talagang medyo namimili ako ng makakasama lalo na kapag bumibiyahe.
Bukod sa estranghero, ayaw ko din ng mga taong “bitbitin”. Sa totoo lang pinalaki kami ng mga magulang namin na self-reliant o hindi palaasa sa iba. Kaya kung magbibiyahe dapat kumpleto ako sa gamit. May checklist pa nga ko bago ako umalis para sigurado akong mabubuhay ako kahit mag-isa ko lang. Kaya naman asar-na-asar ako doon sa mga taong dumepende sa akin. Kasi in the first place, hindi ko sila sagutin. Dapat responsible sila sa sarili nila at kayanin nilang tumayo, at sa kontekstong ito, bumiyahe sa sarili nilang paa.
Ikatlo, ang plano. Nakatapos ako ng kurso na Industrial Engineering kung saan tuturuan kang maging OC (obsessive-compulsive) sa paggawa ng plano. Kaya hangga't sa kaliit-liitang detalye eh dapat nakaplano ang lahat. Dapat bago ako pumunta sa isang lugar alam kong may komportableng matutulugan, may lugar na makakainan, may magandang pasyalan, at pinaka-importante sa lahat – may malinis, maayos at maaliwalas na CR.
Napakimportante sa akin ng CR. Kasi may poblema yata ang aking tumbong na namimili ng “trono”. Kahit nararamdaman ko nang “malapit na” pero nakita kong hindi maayos o malinis ang CR, tiyak na uurong ang dapat umurong. At kapag nakahanap na ko nang matinong CR saka na lang ulit iyon “mailalabas.”
Mahalaga din na nakaplano ang oras. Siyempre pa nag-invest ka ng pera at panahon sa pagbibiyahe. At ayaw kong aksayahin ang pagkakataon at ang oras sa paghihintay sa mababagal maligo at kumilos, sa mga huli kung magising at sa paghahanap at pagtatanong ng mga lugar na sana eh pre-determined/pre-identified bago ninyo puntahan.
Kung iisipin iyang mga kahilingan o requirements ko ay kapareho lang naman ng inaasahan ng kahit sinong tao. Pero kailangan ko iyang tatlo, para masiguro na masisiyahan at komportableng akong makakagala at makapagliliwaliw kasama ng ibang tao.
Ngayon, gusto mo bang maging saluyot kasama ko?
No comments:
Post a Comment