Thursday, June 30, 2011

Takot (o Sabi ng Ate Ko)

Ako ay biktima ng napakamalikhaing-isip ng ate ko...

Noong bata kami takot akong tumingin sa ilalim ng drum ng tubig. Kasi sabi ng ate ko lalabas daw ang isang napakalaking “monster” – either si PUTOL (isang malaking buwaya) o si JAWS.

Natuto din akong matulog nang nakatalukbong ng kumot. Kasi sabi ng ate ko kapag nakita daw ni Dracula na nakalabas iyong leeg ko, siguradong kakagatin niya ko.

Takot din akong dumulas ang bula ng shampoo sa katawan ko. Kasi sabi ng ate ko tutubo raw ang buhok sa lugar na madadampian ng shampoo.

Lagi ding maayos ang higaan ko noong bata ako. Kasi sabi ng ate ko kapag magulo daw ang kama ko, tiyak kukunin ng maligno ang unan at kumot ko.

Kaya sa formative stage ng buhay ko, eh puro takot ang naisiksik ng ate ko sa utak ko.

Kung sa bagay, hindi lang naman ako ang batang lumaki sa takot. Karamihan yata ng bata sa Pilipinas eh pinalaking may takot sa kung anu-anong bagay. Mayroong takot sa pulis, sa Bumbay, sa Mananabas (iyong serial killer daw na pagala-gala at namumugot ng ulo ng mga biktima niya), sa tiyanak, sa duwende, sa manananggal, at higit sa lahat sa dilim. Sa bagay, may paniniwala kasi ang mga matatanda na maganda daw na may kinatatakutan ang mga tsikiting. Kasi iyon ang magiging rason para mag-behave ang isang overactive at over-imaginative na batang kagaya ko.

****************************************************************

Dahil na rin sa napakarami kong bagay na kinatatakutan, kinailangan kong gamitin ang sumusunod na mga taon ng aking pagkabata para i-overcome ang takot ko. Pero hindi pala ganoon kadali iyon. Kasi napakarami ko palang dapat i-unlearn.

Pero mabuti na lang din at wide-reader ako. Kasi doon ko lang nalaman kung ano ang totoo. Hindi pala totoo na may lumalabas na kung anumang creature mula sa ilalim ng drum, na hindi pala totoo ang tiktik at mga maligno, na hindi pala tumutubo ang buhok sa mga lugar na nadadampian ng shampoo, at na wala ding nangunguha ng unan at kumot na kung anong engkanto.

Habang isa-isang kong naiaalis sa utak ko ang mga takot na ito, unti-unti kong narerealize na masaya palang mabuhay nang walang kinatatakutan. Hindi naman iyong tipong nagsi-siga-sigaan ka na o kaya eh hindi ka na sumusunod sa batas. Masaya ka lang kasi malaya ang utak mo at walang anumang bagay na naglilimita sa iyo.

Siguro, ito iyong totoong konsepto ng kalayaan – kalayaan mula sa takot na siyang pumipigil sa iyo na galugarin ang mundo. Dahil sa totoo lang kung wala kang takot, tiyak na may mga bago kang bagay na matututuhan at madidiskubre hindi lang sa mundong ginagalawan mo kundi pati na rin sa sarili mo.

No comments:

Post a Comment