Nasa 4th year college ako noon, nang may nakasakay ako sa jeep na isang kagagaling lang sa graduation ceremony. Bakit ko alam na galing siya sa graduation ceremony? Simple lang: may hawak siyang toga at bouquet, iyong nanay niya may hawak na programme at siyempre yung gruma-duate nakasuot ng puting bestida at naka-make-up pa!
Pagkasakay na pagkasakay nila sa jeep ay saka naman bumati ng ganito ang dispatcher ng jeep: Congratulations! Welcome to the world of the unemployed! O diba, asteg ang banat ni manong dispatcher!
Napaisip tuloy ako noong panahong iyon. Parang na-jinx tuloy yung kaka-graduate at nasabihan na wala siyang mahahanap na trabaho. Sa bagay, sa lagay ng Pilipinas noong mga panahong iyon, ang bagyong recession ay dahan-dahang nagiipon ng lakas hanggang sa padilimin ang kinabukasan ng mga estudyanteng papalabas na ng mga unibersidad at kolehiyo, hindi lang sa Baguio, kundi maging sa ibang panig ng mundo.
At totoong apektado kami ng recession. Ang batch 2008 ang unang naging mga biktima ng mahihirap na kalagayan sa ekonomiya. Ang mga inaasahan naming kompanya dito sa Baguio ay nagsimulang mag-downsize at tumigil na kumuha ng bagong mga empleyado. Kung mayroon mang bakanteng posisyon eh pang apprentice lang na mababa lang ang kita.
Kaya wala kaming choice kundi makipagsapalaran sa ibang mga lugar para lamang makapagtrabaho. Pero, kahit papaano naman eh na-hire din naman ako. Nakapagtrabaho din naman ako ng mahigit isang taon sa isang IT firm sa Manila, apat na buwan sa isang Logistics company dito sa Baguio, mahigit isang taon sa isang home-based na trabaho, at anim na buwan ulit sa dating IT company na pinasukan ko. (para sa detalye ng karanasan ko sa mga trabahong yan, paki-tingin mo ang mga dati kong posts :D)
Pagkalipas ng halos tatlong taon ng pagtratrabaho, nandito ako ngayon sa harap ng aking munting netbook and guess what kung anong status ko ngayon? Ako ay unemployed. Oo, walang trabaho. Naghihintay kung ano ang magiging sagot ng aking dating kompanya kung tatanggapin ba nila ako bilang writer o hindi. Sa bagay, hindi naman ako nagmamadaling magtrabaho ulet. Nakakalungkot lang isipin na darating at darating ka sa punto na malungkot ka kasi kabilang ka sa halos 20 milyong Pilipinong walang trabaho.
Siguro iyong jinx ni manong dispatcher doon sa nakasakay ko dati eh tumama din sa akin. Kaya heto ako ngayon, unemployed. Pero, pansamantala lang naman ito. Sa susunod na buwan eh gagawa na ako ng paraan para naman matanggal ako sa roster ng mga walang trabaho. In the meantime, ieenjoy ko muna ang perks ng "world of the unemployed."
No comments:
Post a Comment