Sa unang kompanyang pinasukan ko, napili ang batch namin para ma-feature sa monthly newsletter. Kaya naman, pinadalhan kami ng questionnaire – iyong tipong pang-slum-book. Kasi daw may “may-i-get-to-know” section ung article na ilalagay sa newsletter.
Madali namang sagutin iyong mga tanong. What was your course in college? When is your birthday? What's your full name? At kung anu-ano pa. Pero may isang tanong na medyo hindi ako familiar kung anong ibig ipahiwatig. Eto yun: What are your pet peeves?
Pet peeves? Ito ba ay may kinalaman sa pet o alagang hayop? Wala. Sa pag-ihi ng pet? Lalong wala. Sa bisperas kung kailan umiihi ang pet? Mas lalong wala.
Mabuti na lang at iyong isa naming ka-trabaho eh medyo may alam sa urban slang. (Pasensya at galing ako sa bundok. Ni hindi namin ginagamit ang katagang iyan.) Ang sabi niya may kinalaman daw ang pet peeves sa mga bagay na ayaw o kinaiinisan mo. Ahhhhh....Okay. Iyon lang naman pala eh. Pinagulo pa kasi ang terminolohiya.
Kaya ngayon, pag-usapan natin ang ilan sa mga bagay na hindi ko gusto.
Pet Peeve #1: Umuubo sa dyip at hindi nagtatakip ng bibig.
Hindi naman ako takot sa mikrobyo. Inaamin ko na noong bata ako eh madalas din naman akong magkasakit at ubuhin. Pero ang hindi ko lang talaga maatim eh iyong mga taong umuubo sa harap mo na hindi man lang nagtatakip ng bibig. Tapos iyong ubo pa nila may halak o maplema. Kadiri talaga. Kaya sa ganitong mga sitwasyon eh wala akong magagawa kundi takpan ang halos buong mukha ko ng panyo. Offensive man na maituturing pero prinoprotektahan ko lang ang sarili ko mula sa mikrobyong maaaring ipasa ng taong inuubo.
Pet Peeve #2: Iyong mga ayaw mag-abot ng bayad ng iba.
Para sa akin ang simpleng pag-abot ng bayad sa dyip ay isa nang public service. Kasi sa simpleng pagtanggap at pagpasa ng pamasahe mula sa kapwa mo pasahero patungo sa naghihintay na kamay ni manong driver ay may naiaambag ka sa paghahanap-buhay ng isang marangal na tao. Kahit na sabihin nilang madumi ang pera, nakatataba naman ng puso na malamang nakatutulong ka sa kanyang pamamasada. Ito rin ang dahilan kung bakit madalas akong umupo doon sa mismong likod ng driver. Para sa ganoon eh maipagpatuloy ko ang aking public service.
Pero syempre hindi mo naman mapipili ang mauupuan mo sa dyip. Madalas eh sa may bandang gitna o dulo ka na makakaupo. At dito sa mga pwestong ito matatagpuan ang mga pasaherong ayaw man lang mag-abot ng bayad ng ibang pasahero. May kanya-kanya silang tactic. Iyong iba kunyari natutulog. Iyong iba naman kunyari hindi naririnig iyong pakiusap ng iba kasi may nakasalpak na earphones sa mga tainga nila. At iyong iba naman ay wala lang pakialam. Ipinaabot nila iyong bayad nila sa ibang pasahero pero ayaw nilang magpasa ng pamasahe ng iba. Diba nakakainis? Sa dyip pa lang makikita mo na kung sino ang mga manggagamit - iyong mga tipo ng tao na ang gusto sila lang ang nakikinabang sa effort ng iba.
Kaya kapag may nakasakay ako na ganito, talagang kinakalabit ko iyong tao. At tinititigan ko na parang sinasabihan ko ng: Matuto ka namang makisama. Napakadali namang mag-abot ng pamsahe ng iba, diba? At least kapag ganyan, wala na siyang magagawa kundi iabot ang bayad kay manong driver.
Pet Peeve #3. Mali-mali mag-English.
Natatandaan ko ung lyrics ng isang awiting Pinoy...
Pa-English-English pa,
Mali-mali naman
Wag na lang.
Sa totoo lang naman second language lang natin ang Ingles. Mas sanay pa rin naman ang karamihan sa atin na ipahayag ang ating mga saloobin at iniisip gamit ang wikang pambansa (naks!) Kaya naman, medyo naaasiwa akong makinig ng usapan o magbasa ng mensahe na may grammatical errors.
Naging grammar police lang naman ako dahil na rin sa impluwensya ng mga kaklase ko noong high school. Malakas ang pressure na gawing grammatically correct ang lahat nang sasabihin mo. Paano naman kasi puro graduate ng exclusive schools ang mga kaklase ko noon na pawang mga bihasa sa paggamit ng English. Tapos mahahalata mo na lang na kinukutya ka nila kapag bigla na lang silang bubunghalit ng tawa sa gitna ng presentation o speech mo. Iyon pala eh nagmamasid sila kung tama ba ang grammar ng statements mo. At dahil sa sobrang naparanoid ako, na-challenge akong igihan pa ang pag-aaral ng English hanggang sa dumating ang punto na masasabi kong naging bihasa din ako sa wikang ito.
At dito na nagsimula ang pagiging grammar police ko. Naiirita na din ang mga tainga ko kapag nakakarinig ng taong mali-mali mag-English (sa totoo lang hindi ko matapos-tapos panoorin ang video ng interview kay Janina San Miguel...sa kalagitnaan pa lang nung pagsagot niya ay asar na asar na yung tainga ko at mapipilitan na akong isara ang video). Sumasakit din ang ulo ko bigla kapag may nabasa akong posts, lalung-lalo na sa Facebook, na mali ang grammar o ang word usage.
Siyempre, hindi din naman ako perpekto. Alam kong nakakagawa din ako ng mga pagkakamali may kinalaman sa balarila at pag-uugnay-ugnay ng mga salita. Pero, lagi ko pa ding isinasaisip na kung mas madadalian akong sabihin ang iniisip ko sa Filipino, eh di itutuloy-tuloy ko na lang ang pagkukuwento sa Filipino. Pero kung ayos naman at simple ang mga ideya na nais kong ipabatid sa Ingles, eh di gagamitin ko din ang Ingles sa pakikipagtalastasan. At ito din naman ang inaasahan ko sa ibang mga tao.
Pet Peeve #4. Kahit anong mabaho.
Isa sa pinakasensitibong parte ng katawan ko ay ang ilong. Mabilis ang reaction time ng ilong ko, lalung-lalo na sa kahit anong mabaho. At kayang-kaya ko ding i-describe ung amoy na nasamyo ko.
Madalas akong makaamoy ng kung anu-ano sa dyip. Syempre doon kasi nagtatagpo-tagpo ang mga taong may iba't-ibang pinagmulan, kultura, at antas ng pamumuhay. Pero ang ayaw ko lang naman ay iyong tipo ng tao na alam na nga niyang iba ang amoy niya eh ihaharap pa sa iyo ang parte ng katawan o damit niyang nuknukan sa baho. Pero sa mga ganitong sitwasyon ay hindi ko magawang takpan ang ilong ko. Kasi sabi ng teacher namin sa Psychology, mentras ipinapakita mong may naaamoy kang kakaiba, mas lalong ehem, hahalimuyak? ang pinagmumulan ng masamang amoy.
At dahil dito, natutunan ko ding pigilan ang aking hininga nang matagal-tagal na panahon. O kaya ay huminga gamit ang bibig. At least, mababawasan kahit kaunti ang magiging reaksyon ng aking ilong hanggang sa makababa ako ng dyip at makalanghap nang mas nakarerepreskong amoy.
Unang bahagi lamang iyan ng kwento hinggil sa mga bagay na ayaw o kinaiinisan ko...Marami pa yan. Kaya tutok lang mga mambabasa...Abangan ang Pet Peeves 2.